Pero sa Pilipinas, nagiging masyadong prestihiyoso tayo sa paggamit ng Ingles. Masyado nating dinarama ang pagiging prestihiyoso kapag gumagamit ng wikang ito. Masyado nating dinaramdam at sineseryoso sa pinakamaling paraan ang paggamit ng wikang ang totoo’y hindi naman sa atin.
Bata pa lamang tayo, may English subject na tayong pinag-aaralan. Kinder pa lang ay bahagi na ito ng ating akademikong pagtuklas ng mga bagay sa mundo. Kung tutuusin, dapat ay matatas na tayo sa wikang Ingles dahil taon-taon ay binabalik-balikan at lalong pinagyayaman ang wikang ito habang tayo’y nag-aaral.
Pero iba-iba ang takbo ng dilang maka-Ingles ng mga Pilipino.
Kaya may mga batang daig pa tayo magsalita nito ay dahil maging sa bahay ay Ingles ang gamit nila. Hindi nila sinasabihan ang mga bata na kunin ang bola, ang sinasabi nila, get the ball. Hindi rin madumi kundi “baby, don’t touch that, that’s dirty.” Kahit pa anong punto ni yaya o kung saan mang probinsya siya galing, kailangan Ingles ang wika nya kapag ang bata na ang kausap.
Ang resulta, ang coniotic language. Karamihan o lahat sa mga batang lumaki sa mga mayayamang pamilya, lumalaking conio kung magsalita. Alam na naman natin kung paano yung ganong pananalita. Like we always don’t wanna make usap to these people when we see them make tambay in the malls or even sa mga slum areas, where they like make arte about everything na they see na madumi. Naghalo-halo na kasi ang wika sa bahay, sa school, sa yaya, at sa lahat ng nakakasalamuha nila na gaya rin nila. Kaya ayun, hindi na nila magamit nang maayos ang mga wika dahil halo-halo na nilang nakagisnan ang mga ganitong pananalita.
Kung tutuusin, maganda sanang training ang pakikipag-usap sa mga bata sa Ingles habang bata pa lamang sila. Iyon ay kung hindi na sasamahan ng arte. Naniniwala naman ako na mayroon ding mga mayayaman at mahihirap na kayang magsalita ng purong Ingles nang walang arte. Mayroon kasing ganun. Kakikitaan mo ng class at talino dahil sa paraan nila ng pagsasalita. Wala sa antas ng pamumuhay.
Iyon pa, ang persepsyon ng Pilipino, kapag nagsasalita ng Ingles eh bigatin na. Ang karamihan sa atin, kapag nakakarinig ng nagsasalita ng Ingles, napapa-wow. Iyong nagsasalita tuloy ng Ingles, mapapahiya na lang, kasi pag-uusapan siya ng iba. Kaya ayun, hindi na lang siya magsasalita ng ganun kung marami rin lang ang makakarinig.
Masyado natin binibigyan ng malaking atensyon ang pagsasalita ng Ingles sa maling paraan. Ang atensyon natin ay sa mga taong nagsasalita nito. Kung hindi pagkamangha ay inis ang pinapakita natin sa mga taong sumusubok na gamitin ang wikang Ingles. Kung hindi natin lolokohin ang mga nag-i-Ingles na magpa-burger sila dahil sa sinabi nila ay iisipin naman nating nagyayabang sila na may alam sila sa wikang iyon. Ang nangyayari tuloy, hindi na lang mag-i-Ingles ang mga iyon. Sa halip na nasasanay nila ang kanilang sarili ay tatahamik na lang at sa Filipino makikipag-usap. Para bang isang napakalaking bagay ang pagsasalita ng Ingles. Para kang sinaunang tao kapag may naririnig kang Ingles. Para itong isang apoy na una mo palang nakita sa buong buhay mo sa tuwing may gumagamit ng wikang ito. Para isang napakalaking balita ang simple mong pagsasabi ng “C’mon, let’s go,” isang malaking balitang may hahanga at pupuna.
Oo. May pupuna. Magagaling kasi ang mga Pilipino sa Ingles e. Kung tutuusin, kung grammar ang pag-uusapan, mas may ibubuga pa tayo sa mga native speakers ng Ingles. Sila kasi, basta masabi nila ang gusto nilang sabihin at basta naiintindihan sila ng kausap nila, magsasalita sila kahit mali-mali na. Kung paano tayo magsalita sa Filipino, na kahit mali sa konteksto ng balarilang Filipino, ganon din sila gumamit ng Ingles doon sa kanila. Sa bagay, ang komunikasyon ang mahalaga, ang maiparating nila sa kausap ang gusto nilang sabihin.
Ang mga Pilipino, magagaling sa Ingles. Kapag may nag-recite na kaklase at mali ang grammar, hagalpak ka na sa tawa. Minsan nga, sasabihin ng titser mo na hindi dapat pagtawanan ang mga nagkakamali sa Ingles, pero pag may nagkamali na, pati siya mismo ay tatawa. Kapag may maling signage sa bangketa, pipitsuran mo at ipopost sa blog mo. Kapag may nagkamali ng post sa Tumblr, ire-reblog mo kasama ang sarcastic mong pagtatama sa mali nya, ipi-print screen mo pa nga at bibilugan yung mismong pagkakamali. Ganyan kagaling ang mga Pilipino.
Mano bang itama na lamang ang nakikitang pagkakamali sa pinakamabait na paraan. Pwede namang simplehan na lang ang pagpuna, itama ang iba para makatulong. Lahat naman tayo ay nagkakamali, pero kung makapuna ka, parang kabisado mo lahat ng pasikot-sikot ng Ingles. Parang alam mo ang pagkakaiba ng simple past tense sa past perfect progressive tense at kaya mong ilagay ang lahat ng pandiwa sa lahat ng tenses nito. Parang alam mo ang lahat ng tamang gamit ng lahat ng punctuation marks, figures of speech, at ng lahat ng salitang Ingles sa diksyunaryo. At kung alam mo nga, sapat na ba iyon para ipagmalaki mo sa mundo? Sapat na ba iyon para matahin mo ang hindi magaling sa wikang Ingles? Mas marami pang bibilib sa’yo kung sa galing mo sa Ingles ay tumutulong ka para gumaling din ang iba. Mas katutuwaan at hahangaan ka pa ng iba.
Kung ikaw naman ang nasa kabilang dulo ng sinulid, huwag sasama ang loob mo kapag itinatama ka. Tulong nila iyon sa iyo. Huwag mong isiping nagyayabang sila. Mag-Ingles ka lang. Huwag ka mahiya. Gamitin mo kahit mali para matama ng makakarinig sayo.
Ang mga Koreano nga, dumadayo pa sa ibang bansa para lang mag-aral ng Ingles. Ang mga nagta-trabaho na, nag-e-enroll pa sa mga online teaching schools sa ibang bansa para kahit nasa subway sila o naglalakad papuntang miting, kahit sa sampung minuto ay may matutunan sila sa Ingles kahit sa telepono lang sila tinuturuan. At saka sila, ginagamit nila ang Ingles. Sa Korea kasi, kapag nag-Ingles ka, kahit mali, hahangaan ka. Kasi sinusubukan mo kahit paano. Kasi gusto mong matuto kaya ginagamit mo.
Ang totoo, ang tanging paraan upang matuto ka ng Ingles ay ang gamitin ito. Gamitin mo ito sa araw-araw mong buhay. Magbasa, magsulat, at magsalita ka sa Ingles. Kahit pa pamali-mali ka, gamitin mo. Kapag may pumuna sayo, magpasalamat ka at pinuna ka, at gamitin mo ang itinama nya sayo. Huwag mo kakalimutan ang mga itinatama sayo ng ibang tao. Maging magiliw ka sa mga tumutulong sayo na mapagyaman ang wikang inaaral mo. Buksan mo ang sarili mo sa pagkakamali at sa pagtatama nito. Pero huwag kang maging conio ha, at huwag na huwag mo ring kakalimutan ang wikang Filipino.
Ang pag-aaral ng wikang Ingles ay totoong mahalaga dahil ito ay isang paraan upang maging competitive tayo sa ating kani-kaniyang larangan. Hindi naman sa hindi natin minamahal ang sarili nating wika, pero nasa isang mundo tayo na kailangang makipagsabayan sa mga taong gusto ring umunlad gaya mo. Hindi ka naman matatanggap sa trabaho kung hindi mo kayang sumagot sa interview o sumulat ng sanaysay sa exam sa Ingles. Kailangan din nating matuto nito upang kahit papaano, makasabay tayo sa mabilis na pag-ikot ng ating mundo.
Ang Ingles ay isang prestihiyosong wika. Unti-unti nating aralin ito upang makasabay tayo sa hamon ng mundo. Kung sa tingin mo ay alam mo na ang lahat tungkol dito, tulungan mo ang iba na matuto sa paraang hindi sila mahihiya o mapapahiya sa pagsasanay sa paggamit ng Ingles. Pwede sigurong sa simpleng usapan ay magtulungan tayo para mahasa ang isa’t isa. Itigil na siguro natin ang paglasap at pagyakap natin sa English Carabao. Itigil na rin siguro natin ang paggaya sa kung paanong pagtawanan ng mga lahing magagaling sa Ingles ang ating pagsasalita. Itigil na natin ang pagtatapakan sa isa’t isa dahil lang sa kamalian sa wikang Ingles, nang sa gayon, hindi na rin tapakan ang mga Pilipino ng iba.
Sa huli, wala pa rin naman yan sa kahusayan mo sa paggamit ng kahit anong wika sa mundo. Ang mahalaga, maipasa mo ang mensahe mo sa ibang tao sa pamamagitan ng pakikipagtalastasan gamit ang wikang naiintindihan ng kausap mo. Ang mahalaga ay alam mo ang sinasabi mo at kaya mong ipaglaban ito.
No comments:
Post a Comment