Itinanghal kahapon ng Philippine Center for Gifted Education ang 35 na kabataan mula sa iba’t ibang dako ng Pilipinas at mula sa iba’t ibang antas ng paaralan bilang mga bagong Rizal, mga kabataan na muling bubuhay sa mga simulain ng ating pamabansang bayani at magiging modelo ng mga kabataan tungo sa pagiging mga tunay na pag-asa ng hinaharap.
Ang mga bagong Rizal na ito ay totoong kakikitaan ng mga katangian ni Rizal. Matalino. Masipag. Natatangi. Bawat isa sa kanila ay pinatunayan na kahit galing pa sa Mindanao, na kahit mahirap o galing sa hindi kilalang paaralan, may sinasabi rin sila na talagang angat sa iba. Tunay nga silang mga bagong Rizal. Tiyak, kung lalo nilang pagyayamanin ang kanilang kahusayan, makatutulong sila sa pagbangon ng matagal nang nakalubog na bansang Pilipinas.
Uso ngayon ang mga bagong bayani. Pero paano ka nga bang masasabi na bagong bayani?
Kung tutuusin, hindi naman hinubog sa perpeksyon ang mga bayani nang ating kasaysayan. Sa totoo lang, lahat ng mga taong ngayon ay may kani-kaniya nang rebulto, lahat iyan ay karaniwang tao rin. Nagkakamali. Hindi perpekto. Naglalasing din ang mga iyan. Nambababae. Naaakit din ng makamundong pagnanasa. Meron pa ngang bayaning may koleksyon ng pubic hair sa locket nya. Meron ding nagpapatay ng kapwa bayani dahil sa maling impormasyon. May nangtraydor. May nanloko at nagpaloko. May nagpaalipin sa mga dayuhan. May nangibang bayan para pansamantalang tumakas sa kalupitan ng mga umaangkin sa bansa. May nasilaw sa pera. May nang-agaw rin ng kasintahan. May pumatay ng kapwa Pilipino. May masamang adhikain. May bahing itinatago.
Pero ngayon, bayani ang tawag natin sa kanila.
Ang totoo, bukod sa sikat na konsepto ng kabayanihan na pagkamatay para sa bayan, hindi naman ang buong talambuhay ng mga bayaning iyon ang nakapagpabayani sa kanila. Sa isang yugto ng kanilang buhay, may nagawa sila, maliit man o malaki, na kahit papaano ay nakatulong na makapagpabago ng bayan sa madidilim na panahon nito. Hindi sila perpektong mga tao kaya sila naging mga bayani. Naging bayani sila dahil may nagawa sila.
Ngayon, sino ang pwedeng maging baging bayani?
Sabi ni Juana Change, habang ang mga OFW daw ang tinuturing na makabagong bayani ng ating panahon, ang mga naiwan sa bansa upang pagsilbihan ang kapwa Pilipino gamit ang kanilang kaalaman ang mas dapat na ituring na bayani. Sa akin naman, pare-pareho na iyan. Ang mga OFW, tumutulong sa ekonomiya ng bansa. Kahit pa sabihing para sa satili at sa pamilya nila ang kanilang sakripisyo, nakakatulong pa rin sila sa paunti-unting pag-unlad ng bansa. Ang mga naiwan dito sa Pilipinas, tumutulong naman sa manpower ng bansa. Kahit na ang totoo ay hindi lang talaga sila makaalis dahil mahal ang pamasahe o kaya’y walang oportunidad sa ibang bansa at natatakot sila makipagsapalaran, nakakatulong pa rin sila upang maiwasan ang brain drain sa Pilipinas. Parehong may nagagawa, parehong mga bayani.
Sa huli, hindi rin naman lahat tayo ay dapat maging mga bagong bayani. Kasi kung lahat tayo ay espesyal, mawawala na ang konsepto nito. Kasi pare-pareho na tayo ng estado. Wala nang aangat. Wala nang bayani. Higit pa rito, hindi na rin naman talaga magiging isyu kung bayani ka o hindi. Hindi ang titulo mo ng pagiging isang bagong bayani kundi ang nagagawa mo ang mas papakinabangan ng bansang ito.
Bago ka maging bayani, bakit di mo simulang maging Pilipino?
Respetuhin mo ang ating watawat at pambansang awit. Kilalanin ang mga simbolo ng bansa. Bumili ng sariling produkto. Mahalin ang wika. Tangkilikin ang sariling atin. Mahalin ang bansa.
Palasak na ang mga iyan sa totoo lang. Pero kahit alam na ng lahat ang mga iyan, kapag may tumutugtog na “Lupang Hinirang,” tatayo ka pero patuloy pa rin sa pagnguya ng kinakain mo. Text ka pa rin nang text kahit yung isang kamay mo ay nasa dibdib. Ni hindi mo alam na wala tayong konkretong pambansang sayaw sa ngayon dahil ang Cariñosa daw ay may halong Kastila at ang Tinikling naman ay hindi kaya ng lahat (lalo pa ang Harabas, ang mas mabilis na version ng Tinikling). Bumibili ka pa rin ng imported dahil mas masarap ang tsokolate ng US at mas mukha kang mayaman sa mga damit na tatak ibang bansa. Perpekto ka sa grammar sa Ingles ngunit hindi mo na naaalala kahit ang simuno, panaguri, at layon sa Filipino. Bumibili ka pa rin ng pirated. Gusto mo pa rin mangibang bansa.
Kasi hindi nga tayo perpekto. Pero baka naman pwede tayong paunti-unti na magsimulang maging Pilipino. Mahalin mo na ang lahat ng bansang gusto mo, pero magtira ka ng pagmamahal para sa bayan mo. Kahit maliit lang muna. Kapag naisip mo nang marami ka palang pwedeng mahalin sa Pilipinas, puso mo na ang kusang magbubukas ng malaking space para sa bayan mo.
Simulan mo lang muna sa hindi pagkakalat sa kalsada o kaya ay sa pagsunod sa batas. Kahit hindi ka muna gumawa ng isang malaking bagay na makapagpapabago sa buong bansa. Basta huwag ka na rin muna gagawa ng ikakasama ng paligid mo. Pagyamanin mo ang kakayahan mo. I-share mo sa iba kung may panahon ka. Magsikap ka muna bilang tao. Mabuhay ka lang muna sa ngayon para sa sarili mo at sa pamilya mo. Huwag ka lang gumawa ng masama. Sa tamang panahon, makikita rin ng bawat isa sa atin na, aba, oo nga, may naitulong rin pala ako.
Baka sakali, kung lahat tayo ay magiging matagumpay bilang indibidwal, baka iyon na ang maging malaking kontribusyon natin para umunlad ang bansa kahit paano. Maliit na bagay lang kung ikukumpara sa mga nagawa ng mga bayani ng nakaraan at, kung tutuusin, ay para sa sarili lang natin, pero may maitutulong ito. Maniwala ka.
Hindi natin kailangan maging mga bagong bayani lahat. Ang kailangan natin ay maging mga Pilipino, maging mga bagong Pilipino na sama-samang aangat para sa sarli, sa bawat isa, at sa bansa.
Bagong Pilipino, mabuhay ka!
wow,. ang ganda. salamat sa pagpapaalala.
ReplyDeletesalamat din! haha. (late reply)
ReplyDelete