Sunday, June 26, 2011

Pakikibaka sa isang dekada ng pag-ibig

Akalain mo nga naman, isang dekada na kitang minamahal.

Grade 5 tayo noon. Hindi naman tayo magkaklase, pero nakikita na kita sa malayo. Palagi lang akong nakatanaw. Palibhasa ay bata pa, wala lang akong magawa kundi ang tumanaw mula sa malayo. Minamasdan lang kita, sinusulit ang ganda na kusang bumubukal mula sa’yo.

Nakantsawan naman ako ng aking kaibigan na sulatan ka. Bata pa nga ako, kaya dala na rin ng damdaming noon ko lamang naramdaman, sinubukan ko. Nakikipagkaibigan lamang ako noon, ngunit ang bumalik sa akin ay ang sulat kong may karugtong na sulat ng iyong kaibigan. Pulang panulat pa ang gamit niya. Galit sya na sumulat ako sa iyo. Dadaan daw muna ako sa kanya.

Lumipas ang isang taon, pinapalipat ako sa section nyo. Sabi ko na lang, ayaw ko dahil nahihiya ako at may kaibigan na ako sa section ko. Pero ang totoo, nahihiya lang talaga ako sa’yo.

Natapos tayo sa elementarya at pumasok sa magkaibang high school. Palibhasa ay hindi pa uso ang text messaging, nakipagsulatan ako sa iyo. Muli, nakikipagkaibigan. Sumagot ka naman. Ngayon, ikaw na ang sumagot, hindi ang nakikialam mong kaibigan. Pakiramdam ko, sa bawat palitan natin ng sulat, nagiging malapit tayo. kahit na pinabibigay lang natin sa kaklase mo na kabarangay ko ang mga sulat natin, alam kong nagiging malapit na tayo. Tinawagan pa nga kita isang beses sa payphone, at habang sa tingin mo’y kalma lang ang boses ko, ang totoo’y magkahalong kilig at kaba ang nararamdaman ko.

Nagpalitan tayo ng mga kwento, ng mga hilig, ng mga larawan, ng mga karanasan. Masaya ako, dahil pakiramdam ko, nagkakasundo tayo. Nakakatawa pa nga kung paanong paborito ko na rin ang mga paborito mong kanta. Pinipilit kong gustuhin ang mga iyon, para dama ko na rin na kahit paano ay kapiling kita.

Bumilis ang mga panahon at naging abala na tayo sa kolehiyo. Nagkaroon tayo ng kani-kaniyang buhay. Umibig kang minsan sa iba at ganoon din ako. Naging masaya ka at abala, at ako naman ay nagsisikap rin sa marami kong akademiko at pang-organisasyon kong gawain. Akala ko, nakalimutan na kita.

Pero matapos ang lahat ng pagkaabala, biglang kang bumalik at binalikan naman kita. Naibalik ang koneksyon na akala ko’y tuluyan nang nawala. Nag-uusap tayo, nagkukwentuhan. Higit pa rito, tila lumalim ang pagtingin mo sa akin. Kung paanong pinararating mo sa akin na na-miss mo rin ako. Kung paanong sinasakyan mo ang paglalambing ko. Tila lumalim na nga, iyon ang akala ko.

Humaba na lamang ang aking gabi nang minsang bigla mo akong iwan. Di rin kita masisi. Di ko mabigay ang mga bagay na gusto mo. Ilang beses pa lamang tayo nagkita. Ni hindi tayo makalabas na magkasama. Alam kong nasa akin lahat ang mali. Pero ang totoo, nasaktan ako dahil sumuko ka. Higit pa rito, nasaktan ako dahil ako ang nagpasuko sa’yo.

Isang dekada na nga pala kitang minamahal. Sampung taon na akong nakatingin mula sa malayo, nagmamahal nang tumatanaw lang. Magkakalakas din naman ako ng loob eh, pero ang mali ko, isang dekada kitang pinaghintay dito.

Isang dekada na nga pala. Itutuloy ko ito. Itutuloy ko ito hanggang balikan mo ako. Salamat sa isang dekadang kinulayan mo ang buhay ako. Pasensya na sa kabalintunaan ko. Makikibaka pa rin ako. Pangako.

No comments:

Post a Comment